Ang paligid mo'y pagmasdan.
Ang bawat tao'y iyong tignan.
Hindi ba't ating masasabi,
Ang mundo'y bahaghari lamang?
Isang hugis ngunit makulay.Hindi ba't ganyan ang ating buhay?Sa dulo'y may ginto't kayamanan,Pinipilit maabot kamay.Ang bawat kulay at bawat tingkad.
Ikaw at ako'y dyan nakasaad.
Buksan ang puso't iyong pakinggan.
Si bahaghari ang maglalahad.
Isang bahaghari ang mundo nating ito.Mahaba't malawak minsa'y ibang anyo.Kung magmumuni't iyong iisipin,Sadyang ganyan ang buhay ng tao.Iba't ibang kulay ngunit iisa.
Iba't ibang kulay ngunit sama-sama.
Minsa'y malungkot, minsa'y masaya.
Minsa'y mahirap, minsa'y maginhawa.
May tuwang dala sa puso mo,Ang pagbasbas ng Diyos sa bawat tao.Isang karangalan ang mapili at mailagay,Dito sa Kanyang bahagharing mundo.